Mga sundalo, ipantatapat sa mga tiwaling pulis

Ipaaaresto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Armed Forces of the Philippines ang mga pulis scalawags at mga sangkot sa iligal na droga.

Sa oath-taking ng animnaput-anim na bagong opisyal ng AFP sa Malakanyang, sinabi ng pangulo na kapag hindi niya ipinasok sa laro ang mga sundalo tiyak na wala nang titingin sa mga abusadong pulis.

Sinabi pa ng pangulo na malala na ang kultura ng korupsyon sa hanay ng mga pulis.

Paggiit pa ng pangulo, wala na ni isang pulis sa buong bansa ang maaring magsagawa ngayon ng anti-illegal drug campaign habang isinasagawa ang reorganisasyon sa hanay ng PNP.

Maari aniyang hingin ang tulong ng AFP dahil nasa ilalim ang bansa sa national emergency.

Samantala, nilinaw naman ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na ang tulong na maibibigay ng AFP sa pagsugpo sa problema sa iligal na droga ay ang pagbuo ng mga anti-drug units.

Paliwanag niya, bagaman susuporta ang AFP sa kampanya kontra droga, hindi “as a whole” na sasabak ang AFP dito, bagkus ay may ilang units lang na ide-deploy.

Oras aniya na mabuo na ang mga anti-drug units sa AFP, doon na sila makakatulong sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kanilang mga operasyon.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento