Kinumpirma ni Chief PNP Director General Ronald Bato Dela Rosa na mayroong isang grupo ng ilang mga police officials ang nagbabalak patalsikin sya sa pwesto.
Ayon kay Dela Rosa, maliit na grupo ito na galit sa kaniyang pamamalakad lalo na sa kampanya laban sa iligal na droga.
Tumanggi namang pangalanan ni CPNP Bato ang pagkakilanlan at mga miyembro ang nasabing grupo.
Paliwanag ni Dela Rosa, posible mangyari sa kaniya ang nangyari noon kay dating PNP Chief Alan Purisima na maraming nagalit na mga opisyal kaya ginawan nila ng paraan para mapatalsik ito sa serbisyo.
Samantala, ipinag-utos na umano ni Dela Rosa na ilagay sa floating status ang mga opisyal at mga pulis na isinasangkot ni Kerwin Espinosa sa ginawang senate investigation kamakalawa.
Kasabay nito, ayon kay DILG Secretary Mike Sueno, inatasan na niya ang NAPOLCOM na kaagad na isailalim sa imbestigasyon ang mga pulis na umanoy tumatanggap ng payola mula kay Kerwin Espinosa.
Paliwanag ni Sueno, kailangan na busisiin ng DILG sa pamamagitan ng NAPOLCOM ang katotohanan sa mga naging pagsisiwalat ni Kerwin sa senate investigation.
Kabilang sa mga binanggit ni Kerwin sa senate investigation ay sina Chief Insp. Leo Laraga, CIDG Region 8, Supt. Marvin Marcos, hepe ng CIDG-Region 8, Chief Insp. Wilfredo Abordo, P03 Dennis Torrefiel at isang General Dolina na mula din sa Region 8.
0 Mga Komento