Tatangkain na rin ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na bawian ng lisensya sa pagiging abogado si Vice President Leni Robredo.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, kinumpirma ni VACC founding chairman Dante Jimenez na may niluluto silang disbarment case laban kay Robredo.
Ayon kay Jimenez, ang hindi pagsasabi ng totoo ng Pangalawang Pangulo sa kanyang video message sa United Nations kung saan niya inihayag ang ‘palit-ulo scheme.’
Nauna nang dumepensa ang kampo ni Robredo na ‘freedom of expression’ lamang ito, at batay lang din sa facts ang inulat Pangalawang Pangulo.
Giit ni Jimenez, ayos lamang kung sa Pilipinas lamang ito ipinahayag ni Robredo, ngunit inilabas pa niya ito sa international community. Hindi rin daw humingi ng datos sa Philippine National Police si Robredo ukol sa 7,000 biktima umano ng summary execution.
Sinabi ni Jimenez na mali ang datos na ibinigay ni Robredo kaya maghahain ng disbarment case ang VACC. Aniya, dapat na magsabi ng totoo ang isang abogado.
Kinumpirma ni Philippine National Police chief Director General Ronald dela Rosa ang palit-ulo scheme ngunit pinabulaanan ang bersyon ng Pangalawang Pangulo.
Ayon kay dela Rosa, ang palit-ulo ay pakikiusapan ng pulisya ang maarestong suspek ng iligal na droga na ituro ang supplier nito, at posibleng mapagaan ang isasampang kaso laban sa suspek.
Gayunman, sa bersyon ni Robredo, kapag hindi umano maaresto ang drug suspect, kamag-anak nito ang huhulihin.
0 Mga Komento