Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Budget and Management at ang Department of National Defense na madaliin na ang pagpapalabas ng 6 billion pesos na retirement pension para sa mga beterano sa bansa.
Inihayag ito ng presidente sa pagdalo nito sa ika-pitumpu’t limang anibersaryo ng Araw ng Kagitingan o Day of Valor sa Mt. Samal National Shrine sa Bataan.
Sakop ng naturang utos ni Duterte ang fiscal years 2008 hanggang 2013, kung saan kasama ang 6.421 billion pesos na pensyon para sa mga beterano.
Dahil sa anunsyo ni Duterte, naghiyawan sa tuwa ang mga naroroon sa Mt. Samal National Shrine gaya ng mga beterano, mga biyuda ng mga beterano at kani-kanilang mga kaanak.
Sa kanya pang talumpati, tiniyak ni Duterte sa mga beterano at mga pamilya nito na tututukan ng pamahalaan ang mga entitlement o karapatan tulad ng serbisyong pangkalusugan at edukasyon.
Inatasan din ng presidente ang Veterans Memorial Medical Center at 152 na veterans-accredited hospitals na patuloy na magbigay ng libreng-serbisyo sa mga beterano.
Dagdag ni Duterte, mahigit sa 2,500 dependents ng mga beterano ay nakapasok sa mga eskwelahan sa ilalim ng Iskolar ng Bayan.
Bago magpaalam, isinigaw ng pangulo “Mabuhay ang beterano! Mabuhay ang Pilipinas!”
0 Mga Komento