Ipinanawagan ngayong araw ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa publiko na magprostesta laban sa “police and military crackdown” na isinasagawa matapos na arestuhin ang nasa 19 katao sa Metro Manila at sa ibang bahagi ng bansa na kinabibilangan ng mga aktibista at mga sibilyan.
Ito ay sa loob lang ng isang linggo matapos kanselahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapaan at magdeklara ng “all-out war” laban sa komunistang grupo noong February 7.
Ayon sa CPP, kanilang tinutuligsa ang naging mga pag-atake laban sa mga aktibista at mga sibilyan.
Pinunto ng grupo na kahalintulad ito ng political crackdown na isinagawa sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong taong 2005 hanggang 2009.
Dagdag pa dito, ayon sa grupo ang naturang pag-atake ay dala umano ang gawi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon at AFP chief General Año na pawang mga kilalang “fascist zealots” o panatiko at utak sa isinagawang giyera ng US at ng administrasyon ni Arroyo laban sa mga itinalagang kalaban ng estado.
Ang pinakahuling biktima aniya ng isinasagawang crackdown ay si Ferdinand Castillo, campaign officer ng Bayan-Metro Manila na inaresto noong February 12 sa Sta. Quiteria, Caloocan City at kinasuhan ng double murder and multiple attempted murder.
Kaugnay nito, sa mga nakaraang araw ay inaresto ang NGO worker na si Rogina Quilop sa Bacolod City, Sarah Abellon-Alikes kasama si Promencio Cortez at Marciano Sagun sa Itogon, Benguet, Edison Villanueva ng Gabriela-Southern Tagalog sa Sta. Cruz, Occidental Mindoro at Jacinto Farode sa La Trinidad, Benguet.
Kinokondena din ng grupo ang isinagawang anim na aerial bombings ng AFP simula pa noong February 11 sa Sitio Tangis at Sitio Kindag sa Barangay Datal Anggas sa Alabel, Sarangani.
Dagdag pa dito ang pagsasagwa ng military operations at pag-aresto sa anim na lalaki na nakilala na sina Simeon Salda, Jun Moda, Claude Palbe, Garzon Palbe, Rene Ompao and Sabelo Colanobna sinasabing bagong recruit ng NPA at ang iba pang insidente ng pagkamatay ng ilang katao sa iba’t ibang lugar sa bansa.
0 Mga Komento