Dating campaign spokesman ni Duterte na si Peter Laviña, nagbitiw sa NIA

Nagbitiw na sa pwesto bilang administrator ng National Irrigation Administration (NIA) ang dating campaign spokesman ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Peter Tiu Laviña.

Base sa kaniyang Facebook post, madamdamin na nagpaalam si Laviña.

Ayon kay Laviña, may mga taong naninira sa kaniya at inaakusahan na nanghihingi umano siya ng pera sa mga contractors sa NIA.

Paliwanag ni Laviña, walang katotohanan ang naturang akusasyon dahil wala umano siyang personal na interrert sa ahensya.

Ang tangi umano niyang isinusulong ay magkaroon ng reporma sa NIA.

Ayon pa kay Laviña, para hindi na mapahiya ang pangulo at ang NIA, tahimik na lamang siya na umalis sa pwesto.

Hindi naman aniya kinakailangan na maupo sa pwesto para maipagpatuloy ang pagsisilbi sa bayan.

Kasabay nito pinasalamatan ni Laviña si Pangulong Duterte dahil sa tiwalang ipinagkaloob sa kaniya.

Matatandaang noong Nobyembre lamang itinalaga ni Pangulong Duterte si Laviña bilang NIA administrator.

Bago ang kumpirmasyon ng kaniyang pagbibitiw, umugong ang mga balita na sinibak sa pwesto ni Pangulong Duterte si Laviña.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento