Mga bilanggo, laya na, matapos mapagkalooban ng executive clemency ni Duterte

Pormal nang ibinigay ang sertipikasyon sa mga bilanggong nabigyan ng executive clemency ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginanap ang naturang seremonya sa New Bilibid Prison sa pangunguna nina Justice Secretary Vitaliano Aguirre at BuCor Dir. Benjamin Delos Santos.

Mula sa 127, dalawamput pitong bilanggo ang inaprubahan ng pangulo kung saan 4 dito ay nabigyan ng conditional pardon o agarang pagkalaya habang 23 naman ang commutation of sentence o pagpapaigsi ng unang naipataw na sintensya.

Karamihan sa mga ito ay matatanda kung saan tatlo dito ay babae habang isa dito ay namatay dalawang araw bago isinilbi ang executive clemency dahil na rin sa katandaan.

Ayon kay Aguirre, ang nabigyan ng commutation of sentence ay agad na makakalaya na rin dahil natapos na rin ang pagserbisyo nila sa loob ng kulungan.

Ipinagmalaki pa ni Aguirre na higit isang libo na ang parolado sa unang pitong buwan ng Duterte administration kumpara sa napalayang 67 na bilanggo sa anim na taong pagkaupo ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino kung saan kalahati pa dito ay Vietnamese.

Maliban sa naturang kauna-unahang batch, anunsiyo rin ni Aguirre na hindi rin magtatagal, makakalaya rin ang dagdag na labingsiyam pang bilanggo batay sa gagawing pagpupulong ng BPP.

Walang hanggang pasasalamat ang reaksyon ng mga nakalayang bilanggo kay Pangulong Duterte na magkaroon ng ikalawang pagkakataong makapiling ang mga mahal sa buhay.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento