Cardinal Tagle nanawagan ng panalangin kontra bitay

Hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang lahat ng katoliko na makiisa sa pagtutol sa panukalang pagbuhay sa parusang kamatayan.

Sa isang pahayag, umapela si Tagle sa mga katoliko na iparating sa mga kinatawan ng kanilang lugar sa kongreso na huwag suporatahan ang death penalty bill.

Sa pagbuhay aniya sa parusang kamatayan, lumalabas na ginagawang lehitimo ang karahasan sa pagharap sa masasamang gawain at maaari din ipataw ang parusa bilang paghihiganti.

Noon pa lang ay matindi na pagtutol ng simbahang katolika sa pagbuhay ng death penalty sa bansa.

Kamakailan ay inihayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang kanilang “unequivocal” na pagtutol sa naturang panukala na magbabalik sa death penalty para sa mga heinous crime.

Nagsimula na kahapon ang plenary discussion sa House Bill 4727 nang ihayag ni Deputy Speaker Fredenil Castro ang kanyang sponsorship speech.

Sa ilalim ng panukala, ipapataw ang death penalty sa mga krimen tulad ng illegal drug trafficking, arson, treason, murder, rape, kidnapping, at carnapping.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento