Bato Bumwelta sa mga Bumabatikos sa Padalo niya sa Concert

Bumwelta si Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa ang mga bumabatikos sa pagdalo niya sa concert ng sikat na singer na si Bryan Adams kamakailan, habang kasagsagan ng imbestigasyon sa kaso ng umano’y na-“Tokhang-for-ransom” na Koreanong negosyante.

Giit ni Dela Rosa, hindi rin naman ikaliligtas ng Koreanong si Jee Ick Joo sakaling hindi siya nanood ng concert, dahil matagal na itong patay.

“Matagal nang patay ang biktima noong nanood ako ng concert. Mabuhay ba ang Koreano kung hindi ako manood?” ani Dela Rosa.

Kamakailan kasi ay namataan si Dela Rosa na nasa front rows ng concert ni Bryan Adams sa Smart Araneta Coliseum.

Kahapon naman ay lumutang rin ang panawagan ni House Speaker Pantaleon Alvarez kay Dela Rosa na mag-resign na upang maisalba si Pangulong Rodrigo Duterte sa kahihiyan dahil sa naturang kaso.

Ayon naman kay Dela Rosa, handa siyang bumaba sa kaniyang pwesto, kung papayag si Pangulong Duterte.

Gayunman, iginiit ni Dela Rosa na ang mahalaga sa ngayon ay nalutas na ang kaso, natukoy na ang mga nasa likod ng krimen at hinahanap pa ang mga hindi pa nahuhuli.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento