Unemployment rate ngayong taon, bumaba

Sa gitna ng paglago ng ekonomiya ng bansa, bumagsak sa 5.5 percent ang naitalang jobless o unemployment rate ngayong taon mula sa 6.3 na naitala noong nakaraang taon.

Ito ay base sa preliminary results ng 2016 Annual Estimates of Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Dahil dito, tumaas ng hanggang sa 94.5 percent ang employment rate mula sa 93.7 percent noong nakaraang taon.

Nitong buwan lamang, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) na nasa 5.5 percent na ang average unemployment rate ng bansa para sa buong taong ito, na humigit pa sa target na 6.5 hanggang 6.7 percent ng pamahalaan.

Ayon pa sa PSA, pumalo naman sa 2.4 million ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho ngayong taon.

Sa unang tatlong quarters, lumago ang ekonomiya ng average 7 percent, na sakto lang sa inaasahan ng mga economic managers na makakamit ng bansa na 6-7 growth target ngayong taon.
Sakop ng labor force population ang mga may edad 15 pataas.

Katumbas ng nabanggit na employment rate ang 40.8 milyong Pilipinong may trabaho, at ayon sa datos ng PSA, 55.6 percent dito ay nagtatrabaho sa services sector.

Samantala, nabatid rin ng PSA ang bahagyang pagbaba ng underemployment rate na naitala ngayong taon na 18.3 percent mula sa dating 18.5 percent.

Ang mga naturang employment figures ay base sa average ng apat na rounds ng LFS na isinagawa noong January, April, July at October.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento