De Lima Pinagtanggol si Robredo sa bantang impeachment complaint

Tinawag ni Senador Leila de Lima na kabaliwan ang banta ni House Speaker Pantaleon Alvarez na paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Leni Robredo na kilalang kritiko ng administrasyong Duterte.

Ipinaalala rin ni De Lima ang pahayag ni Robredo na mahalaga sa demokrasya ang mga kritisismo at ‘dissent’ o pagpapahayag pagsalungat. Giit ng Senador, may kalayaan ang bawat isa sa pag-iisip, konsensya at pagpapahayag.

Dagdag pa ni De Lima, ang tunay na traydor at sumisira sa tiwala ng publiko ay ang mga pumipigil sa mga pangunahing kalayaan, ang mga nagsusulong at pumapayag sa extrajudicial killings, at ang mga nagpapakalat ng kasinungalingan at pekeng balita.

Magugunitang nagbanta si Alvarez na posibleng mapatalsik sa pwesto si Robredo dahil sa ‘betrayal of public trust’ nang ipadala nito sa United Nations ang isang video message kung saan tinuligsa niya ang gyera ng administrasyong Duterte kontra droga.

Ipinahayag ito ng House Speaker matapos isampa sa Kamara ang kauna-unahang impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento