Matapos ang ilang ulit na pagtatangka, natuloy din kahapon ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Marawi City.
Pinuntahan ng pangulo ang 103rd infantry brigade ng 1st Infantry Division of the Philippine Army sa Camp Ranao.
Binigyan niya ng grocery packs ang mga sundalo at pulis at namahagi rin ng 3,000 G-shock na relo.
Sa video na inilabas ng Presidential Communications Office makikitang sumakay si Duterte sa eroplano ng Philippine Air Force (PAF), lumipat sa isang chopper at paglapag sa Marawi, pinalibutan na siya ng mga otoridad para matiyak ang kaniyang kaligtasan.
Kinumpirma naman ni AFP Chief of Staff Eduardo Año na ilang minuto bago ang pagdating ng pangulo, ay may mga sniper shots na nagmumula sa iba’t ibang direksyon at tinatarget ang landing zone area.
Sinabi ni Año na malaking morale booster ang makamayan at makumusta ng personal ng pangulo ang mga sundalo sa gitna ng nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi.
Naganap ang pagbisita ng pangulo sa kasagsagan ng daring assault ng mga sundalo sa Mapandi brige na isa sa mga lugar na mahigpit na dinidepensahan ng ISIS inspired Maute terror group.
“True to his word, the Commander-in-Chief President Rodrigo Duterte visited the troops in Marawi in the afternoon of 20 July — amidst the sound of gun and artillery fires on the background. The President set foot in Marawi as the troops launched a daring assault from the other end of Mapandi Bridge– cite of one of the fiercest gun battle in downtown Marawi heavily defended by Maute -ISIS Group,” ayon kay Año.
Ayon kay Año, ang ginawa ni Pangulong Duterte ay patunay na handa niyang ialay ang kaniyang buhay makasama lamang sa hirap ang mga sundalong nasa kalagitnaan ng giyera.
Sa kaniyang pagbisita sa kampo kahapon, binigyan ang pangulong situation update at ipinakita sa kaniya ang mga baril na na-recover mula sa Maute.
0 Mga Komento