Duterte, harapang binantaan ang mga mayor kung papasok sa droga

Harap-harapang pinagbantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mayor sa bansa na kanyang papatayin kung sangkot o papasok sila sa kalakaran ng iligal na droga.

Ginawa ito ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa General Assembly ng League of Municipalities sa Maynila.

Sinabi ng pangulo na hindi siya mangingiming gumawa ng marahas na paraan kung papasok sila sa iligal na droga na sumisira sa bayan.

Kasabay nito, inilabas ni Pangulong Duterte ang hawak nitong listahan ng mga sangkot na iligal na droga at nagbantang magbabanggit ng mga pangalan ng mga alkaldeng napasama rito.

Mistula tuloy pinagpawisan ng malamig ang ilang alkalde dahil sa bantang ito ng pangulo pero napalitan ng tawanan ng sabihin nitong hindi na siya magbabanggit ng mga pangalan bagama’t marami raw sa listahan ay mga mayor.

Maliban sa kanyang kampanya laban sa iligal na droga, muli ring nagbabala si Pangulong Duterte sa kanyang kahandaang magdeklara ng Martial Law sa Mindanao kapag lumala ang karahasan.

Ayon sa presidente, kung sakaling gagawin niya ito, tinitiyak nitong tatapusin ang lahat ng problema sa Mindanao pero magiging marahas ang pagpapatupad ng Batas Militar.

Sinamantala rin ng pangulo na muling ipaliwanag ang isinusulong nitong Federalismo dahil daw bigo ang unitary form of government para mapaunlad at mapayapa ang bansa.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento