Inireklamo na sa Ombudsman ng Chamber of Mines of the Philippines (COMP) si Environment Secretary Gina Lopez dahil sa mga hakbang nito na umano’y nakaapekto sa operasyon ng mga mining companies na kanilang kasapi sa samahan.
Tinutukoy ng COMP ang biglaang pagpapasara noong nakaraang buwan ng kalihim sa 23 minahan at pagsuspinde sa operasyon ng limang iba pa.
Bukod dito, kinansela rin ni Lopez ang nasa 75 mining projects dahil sa matatagpuan umano ito sa mga watershed areas.
Sa reklamo ng nina Artemio Disini, chairman ng COMP at Ronald Decidoro, vice president ng samahan, nagkaroon umano ng ‘undue injuries’ ang ilan nilang kasapi dahil sa mga walang basehan at iligal na hakbang na ipinatupad ni Lopez.
Hindi rin anila dumaan sa tamang proseso ang biglaang pagpapasara ng kalihim sa mga minahan na isang paglabag sa batas.
Bukod dito, marami rin aniyang mga manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara at suspensyon ng operasyon ng mga minahan.
Dahil sa mga paglabag na ito ni Lopez, nagpasya ang kanilang grupo na sampahan ito ng reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
0 Mga Komento