Pinayuhan ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers ang lahat ng mga alkalde na sangkot umano sa ilegal na droga na seryosohin ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nauna nang hinamon ng presidente ang aniya’y narco-mayors na magbitiw na lamang sa pwesto dahil kung hindi ay mamamatay ang mga ito.
Paliwanag ni Barbers, hindi dapat balewalain ang pahayag ni Duterte na mula’t sapul ay determinado sa kanyang war on drugs.
Kapag aniya dinedma ang hamon ng pangulo, tiyak na may kahaharaping consequences ang mga narco-mayors.
Sa kabila nito, hinihintay ni Barbers na pangalanan ni Duterte ang mga binabanggit nitong alkalde na nasa kanyang drug list.
Hindi lamang aniya mga mayor, kundi maging mga bise-alkalde, gobernador at bise-gobernador na sabit din sa illegal drug trade ay dapat pangalanan.
Subalit marapat aniya na mag-ingat at i-triple check ng pangulo ang mga ilalabas nitong pangalan dahil maaaring may halong pulitika ang pagsasangkot sa mga local officials.
0 Mga Komento