Binalaan ni Sen. Leila De Lima ang mga city at municipal mayors na nasa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-ingat.
Aminado ang mambabatas na mayroong ilang mga local officials ang sangkot o kaya naman ay tumatayong protektor ng ilang grupo na sangkot sa iligal na droga.
Sinabi ni De Lima na kilala sa pagbabanta ang pangulo pero tinutotoo niya ang mga bantang ito tulad na lamang ng nangyari sa mga pinatay na mga suspected drug personalities.
Imbes na magbanta at pumatay ay pinayuhan ni De Lima ang pangulo na idulog sa korte ang mga kaso lalo na kung may matibay na mga ebidensya na hawak ang pamahalaan laban sa mga drug personalities.
Muli namang sinabi ni De Lima na nangangamba siya sa kanyang kaligatasan at kung may mangyari man sa kanya ay wala umanong dapat na iturong may kagagawan kundi mismong si Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, binigyan naman ng sampung araw ng Supreme Court si De Lima para magkomento sa panibagong disbarment complaint na isinampa sa kanya ni Atty. Ferdinand Perito.
May kaugnayan ito sa pakikipag-relasyon ni De Lima sa kanyang dating driver at bodyguard na si Ronnie Dayan na isang taong may asawa.
Kasama rin sa reklamo ni Perito ang umano’y pagsuway ni De Lima sa utos ng Supreme Court na payagan na makapag-pagamot sa abroad si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong November 2011.
0 Mga Komento