Duterte, hinimok ang media na sumama sa mga anti-drug operations

Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga miyembro ng media na sumama sa mga anti-drug operations ng mga pulis.

Ito aniya ay para maisantabi na ang mga paratang na ang mga pulis ang nasa likod ng mga hindi maipaliawanag na bilang ng pagpatay sa mga drug suspects.

Para aniya maalis na ang alalahanin tungkol sa human rights, sinabi ng pangulo na dapat mag-imbita ang mga pulis ng mga kawani ng media sa kanilang mga operasyon.

Muli ring iginiit ng pangulo na hindi niya inutusan ang mga pulis na magsagawa ng mga extrajudicial killings, at na kailangan niyang proteksyunan ang mga ito dahil pinagtatrabaho niya ang mga ito.

Hindi rin aniya nakapagtataka na mas mababa ang mga naitalang patay sa mga nagdaang administrasyon dahil hindi ginagawa noon ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang tungkulin na habulin ang mga kriminal at drug personalities.

Hindi kasi aniya suportado ng pamahalaan ang mga pulis noon, at sisiga-siga ang mga alkalde na mga drug lords din.

Tiniyak rin ng pangulo na wala siyang sasantuhin sa kaniyang mga kaanak o kaibigan na mapag-aalamang lalabag sa batas.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento