Sinisi ni Pangulong Rodrigo Duterte sina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating PNP Chief Alan Purisima kung bakit napatay ang mga miyembro ng tinaguriang SAF 44.
Kanina ay pinulong ni Duterte ang mga kaanak ng mga napaslang na miyembro ng Special Action Force kaugnay sa ikalawang anibersaryo bukas ng naganap na barilan sa Mamasapano sa Maguindanao.
Sa simula pa lamang ng kanyang mensahe ay nilinaw ni Duterte na hindi niya layunin na makipag-away kina Aquino at Purisima pero dapat anyang lumabas ang katotohanan sa isyu.
Sinabi rin ni Duterte na alam pati ni dating Interior Sec. Mar Roxas ang naganap na pamamaslang sa mga tauhan ng SAF pero wala itong ginawa.
Ipinaliwanag pa ni Duterte na kasama niya sa isang silid sa isang lugar sa Zamboanga City noong maganap ang Mamasapano incident si Aquino at ilan sa kanyang mga miyembro ng gabinete.
Naaalala pa umano ni Duterte na tinanong ni Aquino ang isang AFP official sa kung ano ang kanyang dapat gawin nang makarating sa kanya ang impormasyon na napatay ang 44 na miyembro ng SAF.
Aminado si Duterte na hindi niya nagustuhan ang inasal ng dating pangulo sa puntong iyon na tila ay hindi alam ang kanyang ginagawa.
Binatikos rin ni Duterte si Purisima na bukod sa kapalpakan sa Mamasapano ay alam din ng dating PNP Chief kung gaano kalaki ang kanyang pananagutan sa mga isyu ng kurapsyon.
Tiniyak rin ng pangulo na hindi mangyayari sa ilalim ng kanyang termino ang tulad nang naganap sa bayan ng Mamasapano.
Sa bahagi ng kanyang pahayag ay sinabi ni Duterte na hanggang ngayon ay maraming mga tanong ang hindi pa rin nasasagot dahil sa kapabayaan ng nakalipas na administrasyon.
Hindi rin umano sapat na inamin ng dating pangulo ang pananagutan sa pangyayari dahil hanggang ngayon ay hindi niya ipinapaliwanag dahil bakit mga tauhan ng PNP ang kanyang ipinadala sa nasabing misyon at hindi mga tauhan ng militar.
Nauna nang sinabi ni Duterte na dapat ay mga sundalo ang gumawa ng paglusob sa kuta ng international terrorist na si Marwan dahil mas kabisado nila ang terrain sa Maguindanao.
Kanya ring sinisi si dating Peace Advise Ging Deles dahil sa pagpigil nito na makialam ang AFP sa operasyon dahil baka umano magalit ang mga lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Kung nakipag-ugnayan umano si Aquino sa MILF ay baka hindi nagbuwis ng buhay ang mga tauhan ng Special Action Force.
Kanya ring inatasan ang pamunuan ng Philippine National Police na muling imbestigahan at ugatin kung bakit dalawang miyembro lang ng SAF 44 ang nabigyan ng Medal of Valor award samantalang lahat naman sila ay nakipag-laban sa mga kaaway ng estado.
Bubuo rin ng isang komisyon si Duterte para muling imbestigahan ang mga pangyayari sa bayan ng Mamasapano na bubuuin ng mga retiradong justices ng Supreme Court.
Gusto ring alamin ni Duterte kung ano ang naging papel ng U.S sa naging operasyon ng SAF 44 sa Mamamasapano, Maguindanao dalawang taon na ang nakalilipas.
0 Mga Komento