Libu-libo katao, na-stranded sa maghapong ulan at flashflood sa CDO

Libu-libong residente ng Cagayan De Oro City ang naapektuhan sa maghapong pagbuhos ng malakas na ulan na nagresulta sa matinding flashflood sa malaking bahagi ng lungsod.

Maraming mga mga estudyante ang na-stranded sa kani-kanilang mga paaralan at maraming mga manggagawa sa iba’t ibang pribado at pampublikong opisina ang hindi nakalabas ng ilang oras makaraang biglang tumaas ang tubig baha sa kanilang lugar.

Maraming mga lansangan ang lumubog sa biglang pagtaas ng tubig-baha.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Stephen Mercado, isa sa mga residente ng Cagayan De Oro City, hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang pag-ulan na nararanasan sa naturang lungsod.

Maging sila ay namamalagi sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan dahil sa apektado na ng baha ang unang palapag ng bahay.

Maging ang mga parking ng mga malls at iba pang establisimiyento ay hindi rin pinatawad ng biglaang pagragasa ng tubig.

Maraming lugar rin ang napaulat na walang kuryente hanggang sa ngayon resulta ng malakas na tubig baha bagamat sa kanilang lugar sa Bgy. Kauswagan ay may suplay pa ng kuryente.

Ayon asa Philippine Red Cross, kabilang sa mga walang kuryente pa ring mga lugar ang mga barangay ng Lapasan, Cugman, Camaman-an, Makasindig, Kauswagan, Patag at Puerto.

Bagamat unti-unti nang bumababa ang tubig baha sa maraming lugar, marami pa rin ang na-stranded resulta nito.

Maraming mga residente rin na nakatira sa gilid ng mga ilog ang pansamantalang pinalikas ng lokal na pamahalaan dahil sa pagtaas ng tubig.

Sa pinakahuling datos, umaabot na sa as 2.77 meters ang taas ng tubig sa Cagayan De Oro river.

3.12 meters naman ang Iponan river.

Itinuturing na critical level ang taas ng tubig sa dalawang ilog kung aabot na ito sa 5 meters.

Ayon sa Pagasa, ang magkasamang ulan na dulot ng isang Low Pressure Area at tail end of cold front ang nagdulot ng matinding pagbaha sa lugar.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento