Nagkasundo na ang Pilipinas at China na isulong ang aabot sa 30 proyekto na nagkakahalaga ng P3.7 bilyong piso na naglalayong maiangat ang buhay ng mga Pinoy sa susunod na mga taon.
Ito ang inanunsyo ni Chinese commerce minister Gao Hucheng kasabay ng pagsasabing ito ay bahagi pa lamang ng ‘initial batch’ ng mga proyekto na kanilang isasapinal kasama ang mga kinatawan ng Pilipinas.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez na kasalukuyang nasa Beijing kasama ang ilan pang mga miyembro ng Gabinete, kabilang sa mga proyekto ay may kaugnayan sa pagbuo ng mga irrigation systems, hydroelectric power plant at mga train system.
Sa kanyang statement, sinabi rin ni Dominguez na naging produktibo ang kanyang pakikipag-usap kay Gao at may ilan pang maliliit na mga proyekto silang natalakay na ilalaan para sa mga rural areas sa Pilipinas.
Noong Nobyembre aniya, kasabay ng pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagsumite na sila aniya ng listahan ng mga proyekto sa China upang pag-aralan.
Nasa China ngayon sina Dominguez upang plantsahin ang mga naipangakong proyekto ng China sa Pilipinas kaugnay ng 15-bilyong pisong planong investment nito sa bansa.
0 Mga Komento