3 Bomba Sa Quiapo: Clan War o Terorismo?

Panay ang sabi ng Malakanyang sa publiko na maging alerto, at wag magkalat ng mga maling impormasyon, pero, eto naman ang PNP at tila kulang ang mga paliwanag.

Noong alas 10:49 pm Biyernes, “improvised pipe bomb” daw ang sumabog sa Quiapo at 14 katao ang nasugatan. Away kalye daw ang sanhi matapos mabugbog ang isang menor de edad. Pero, biglang inako ng ISIS at ng kanilang AMAQ news agency ang naturang insidente. Agad namang nagbuo ng “task force” ang PNP para lalo pang magsiyasat.

Kinabukasan, dakong 5:55 pm, isang bomba ang sumabog muli sa Gunao St., Quiapo, kung saan 2 ang patay at 4 sugatan. Pagsapit ng 8:25 pm, na katatapos lang ng briefing ng PNP-NCRPO sa media, may sumabog sa kalapit na Norzagaray at Elizondo street kung saan 2 pulis ang nasugatan.

Ayon kay PNP NCRPO Chief Gen. Oscar Albayalde, walang indikasyon na ito’y terorismo. Ang unang bomba ay nasa isang package umano na nagdeliber na sumakay pa ng Grab driver para sa ibigay ito sa isang tao. Namatay ang taga-deliver at namatay din ang tumanggap ng pakete. Sugatan naman ang apat na iba pa.

Ang ikalawang pagsabog na sumugat sa mga nagrespondeng taga-SOCO at EOD ang nananatiling misteryo. Maraming kwento, at diumano, water explosive daw ito na nakakabit sa isang motorsiklo. Kilala na raw ang may-ari ng motor at meron nang dalawang naaresto. Pero sa mga eksperto, ang “double blast” ay kilalang taktikang terorista.

Nitong Linggo, naka-lockdown ang paligid ng Gunao, Elizondo at Norzargaray streets at umaga na nang asikasuhin ng SOCO anG napatay na biktima ng pagsabog. Ang direksyon ng PNP-NCRPO-isang “clan war” daw ito ng isang pamilyang Muslim. Walang kinalaman sa pagsabog ng “pipe bomb” noong Biyernes.

Ang Malakanyang naman, hinikayat ang publiko na huwag paniwalaan ang mga kumakalat na maling ispekulasyon sa dalawang pagsabog at iulat sa otoridad ang mga kahina-hinalang tao o aktibidad.

Habang sinusulat natin ang balitang ito, wala pang naririnig sa ISIS o sa AMAQ news agency sa mga bagong pagsabog nitong Sabado.

Kung susuriin, parang hindi madaling paniwalan ang dahilan ng PNP-NCRPO na “Muslim clan war” o ‘gantihan” ang nangyari noong Biyernes at Sabado . Maraming interest groups ang nagbabanta ngayon , una ang Maute group na nagtanim ng bomba malapit sa US embassy. Nariyan din ang Abu Sayaff na napaulat sa Olango Island, Cebu, maging sa Samar Leyte at dito sa Clarin, Bohol.

Sa Basilan, Sulu at Tawi-tawi, sumusuko na raw ang mga miyembro at sub-leaders ng Abu Sayaff, ayon sa military. At dahil sa tindi ng kampanya, hindi na raw magtatagal at mabubuwag na ang bandidong grupo.

Pero, mayroong nagsasabing mga grupo na nagbibihis lamang ngayon ang Abu Sayaff at sila na ang ISIS kayat kumakalat sa ibat ibang lungsod sa bansa. Kasama ng Maute group at ng mga dayuhang terorista (2 mag-asawa ang nadeport at 3 dayuhan naman ang napatay sa Lanao Del Sur), patuloy ang kanilang pagbabanta sa ating lipunan.

Sa aking palagay, hindi magtatagumpay ang anumang uri ng terorismo kung gising na gising ang taumbayan, ang mga otoridad lalo na ang mga pulisya. Pero, dapat munang magsabi ng totoo ang mga otoridad.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento