BREAKING NEWS: Abu Sayyaf leader Abu Rami killed in Bohol clash

Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines o AFP Chief-of-Staff Eduardo Año na kabilang si Abu Rami sa mga napaslang sa bakbakan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ASG sa Inabanga, Bohol kahapon, Martes Santo.

Ayon kay Año, wala pang kumpletong detalye pero pwede na umanong ideklara na ‘the threat is over’ kung ang pag-uusapan ay ang banta ng mga terorista sa Bohol.

Paliwanag ni Año, dapat na umanong mag-isip-isip ang mga bandidong grupo bago maghasik ng lagim at pangggugulo sa bansa.

Kasabay nito, pinapurihan ni Año ang kabayanihan ng mga sundalo at maging ng publiko dahilan para mapigilan ang banta ng bandidong ASG.

Kaugnay nito, tiniyak ng AFP ang kahandaan ng kanilang pwersa sa pagtugon sakaling maghasik na naman ng kaguluhan ang bandidong grupong Abu Sayyaf.

Sa panayam, sinabi ni AFP Public Affairs Office chief Col. Edgard Arevalo na tuluy-tuloy ang operasyon ng militar kahit Semana Santa.

Hindi dapat aniya ihinto ang operasyon at pagbabantay, at sa katunayan ay kailangan pang paigtingin, lalo na sa mga lugar na matatao o dinadayo ng mga turista.

Dagdag ni Arevalo, hinihimok ng AFP ang bawat command sa buong bansa na magdeklara ng alert status, depende sa sitwasyon sa kani-kanilang nasasakupan.

Ito’y para aniya mapigilan ang anumang panggugulo ng ASG o ng iba pang grupo.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento