Duterte may paalala sa mga demonstrador

Nauunawan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sentimyento ng mga tumututol sa pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Pero sa pahayag ng pangulo sa Lima, Peru, pinanindigan nito ang desisyon Korte Suprema na payagan na ang paglilibing kay Marcos.

Ayon sa pangulo kailangan ipatupad ang batas na maaaring ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani dahil sa pagiging dating sundalo at pangulo ng bansa.

Iginiit ng pangulo na walang ibang pinagbabatayan ng kanyang desisyon kundi ang batas o ang ligal na aspeto.

Nabanggit din ng pangulo na marami ding nasasaktan lalo ang mga Ilocano dahil daw sa tagal ng hindi pagkakalibing kay Marcos sa LNMB.

Kaugnay naman sa araw ng paglilibing, inihayag ng Pangulong Duterte na sariling desisyon na ito ng pamilya Marcos.

Samantala, hahayaan lamang ng Palasyo ang mga ikakasang kilos protesta laban sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinad Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Pero pakiusap ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, huwag lang gumawa ng labag sa batas ang mga demostrador at siguraduhing hindi makaabala sa trapiko.

Paglilinaw ni Abella hindi papahintulutan ng Palasyo ng Malacañang ang anumang iligal na aksiyon, pero dapat din aniyang isaalangalang ang kapakanan ng iba lalo na ng mga motoristang maaabala.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento