Kampo ni VP Robredo, pumalag sa bantang impeachment complaint ni Speaker Alvarez

Pumalag ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa banta ni House Speaker Pantaleon Alvarez na kanyang sasampahan ng impeachment complaint ang pangalawang pangulo ng bansa.

Ayon kay Georgina Hernandez, tagapagsalita ni Robredo, napaka-iresponsable ni Alvarez sa mga pagbibigay ng pahayag sa harap ng publiko.

Inamin mismo aniya ni Alvarez na wala pa siyang hawak na ebidensya at pag-aaralan pa ng kanyang legal team ang paghahain ng impeachment laban kay Robredo.

Ayon kay Hernandez, malinaw na espekulasyon lamang ang ginagawa ni Alvarez at kinokondisyon lamang ang isipan ng taong bayan.

Matatandaang pumalag si Alvarez sa ipinalabas na video message ni Robredo sa United Nations kung saan binabatikos nito ang anti-drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento