Inilunsad ang hot pursuit operation ng ng militar laban sa New People’s Army (NPA) sa Barangay Sibayan, Bansalan, Davao del Sur.
Ito’y matapos ang nangyaring pag-ambush ng mga bandido sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) kung saan apat ang namatay na kinabibilangan ng isang babaeng pulis habang isa naman ang nakaligtas at kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Sa panayam ng ating reporter kay Lt. Daryl Cansancio, tagapagsalita ng 73rd Infantry Battalion Philippine Army, inihayag nitong mariin nilang kinukondena ang insidente.
Ito’y lalo pa’t pumunta lamang umano ang mga biktimang pulis sa naturang lugar upang respondehan ang isang insidente ng pamamaril at hindi upang magsagawa ng operasyon laban sa mga bandido.
Ayon kay Lt. Cansancio, handa na ang militar na gamitin ang lahat ng kanilang puwersa at capabilities mula sa artillery units hanggang sa mga air assets, sa pagtugis sa mga bandido sa lugar.
Kasalukuyan na raw silang nakikipagtulungan sa PNP upang tugisin ang mga rebelde lalo na ang mga responsable sa ambush.
Napag-alamang ang grupo ng NPA Guerilla Front 51 sa pangunguna ni alyas Joma ang siyang kumikilos sa lugar.
0 Mga Komento