Handa ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na patuloy na makipag-ugnayan sa Duterte administration upang pag-usapan ang ilang mga pangunahing isyu sa bansa.
Ayon kay CBCP president at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, may mga itinalaga na silang mga kinatawan upang panatilihing bukas ang komunikasyon sa pagitan ng kanilang samahan at ng mga kinatawan ng administrasyon.
Sa kasalukuyan aniya, patuloy ang kanilang ugnayan sa tatlong dating ‘seminarian’ na kabilang sa Duterte Cabinet.
Kabilang dito aniya sina Leoncio Evasco, Ernesto Pernia at Ismael Sueno.
Matatandaang makailang ulit na binakbakan ni Pangulong Duterte ang Simbahang Katolika sa kanyang mga talumpati dahil umano sa mga batikos sa kanyang kampanya kontra droga.
Samantala, nanindigan ang Simbahang Katolika na hindi intensyon ng kanilang pastoral letter laban sa extra judicial killings na pabagsakin ang Duterte administration.
Ipinaliwanag ni Villegas sa Meet the Inquirer Multimedia forum, na hindi para sa Malacañang ang pastoral letter kundi para sa bawat Pilipino.
Layon aniya ng kanilang mensahe na hayaan ang taumbayan na gumawa ng paraan para marinig ng Malacañang ang kanilang saloobin kontra sa mga nagaganap na extrajudicial killings sa mga drug addict at drug pushers.
Naniniwala din si Villegas na ang problema sa droga ng bansa ay may mas malalim na pinag-uugatan na dapat tingnan din ng pamahalaan.
Samantala, tiniyak naman ni villegas na handa silang makipag dayalogo sa Malacañang para pag-usapan ang isyu ng EJK at death penalty.
0 Mga Komento