Nakikipag-ugnayan na ang tanggapan ni Vice President Leni Robredo sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan para maikasa na ang pagbibigay tulong sa mga nabiktima ng bagyong Nina.
Sinabi ni Georgina Hernandez, tagapagsalita ni Robredo na ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang kanilang kampo sa Angat Buhay partners at iba pang pribadong sektor para makahingi ng kakailanganing agarang relief goods na madadala sa Bicol Region.
Paliwanag ni Hernandez, bagama’t nasa America sa ngayon si Robredo para sa isang family reunion pero patuloy aniya ang pagmo-monitor nito sa sitwasyon sa mga lugar na sinalanta ng bagyong si Nina.
Nauna nang umani ng batikos mula sa mga netizen ang umano’y pagpunta sa U.S ng pangalawang pangulo sa kabila ng alam naman nito na may darating na bagyo sa bansa.
Kahapon ay naglabas rin ng pahayag ang kanyang tanggapan kung saan ay nakasaad dito na patuloy na nakatutok si Robredo sa mga kaganapan kaugnay sa pananalasa ng bagyong Nina.
0 Mga Komento