Duterte at Bato, hindi pababayaan ang mga pulis na isinasangkot sa Espinosa killing

Tutulungan ni Philippine National Police chief Director Gen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa kanilang kakaharapin na kasong kriminal ang mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.

Ito ay matapos na sabihin ng National Bureau of Investigation na rubout at hindi shootout ang naganap na operasyon ng grupo nina Supt. Marvin Marcos sa loob ng kulungan para isilbi ang search warrant kay Mayor Espinosa.

Paliwanag ni Bato, iginagalang niya ang findings ng NBI at hahayaan niya ang mga ito na sampahan ng kasong kriminal ang kanyang mga tauhan.

Pero sakaling ituloy ang kasong murder, hihilingin ni Bato sa korte na ibaba ito sa homicide para makapagpiyansa ang kanyang mga tauhan.

Kapag naglabas naman ng warrant of arrest ang korte laban sa grupo ni Supt. Marcos, igigiit ni Dela Rosa sa korte na sa PNP Custodial Center ipiit sina Marcos.

“Pampataas ng morale sa Philippine National Police”

Ito ang ginawang paglilinaw ng Palasyo ng Malakanyang sa pagtatanggol at pagkampi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa grupo ni Supt. Marvin Marcos na nakapatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa sa loob ng Baybay Sub-provincial Jail.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, layunin ng pangulo na mapanatili ang mataas na morale ng PNP para magtagumpay sa laban sa iligal na droga.

Ayon pa kay Andanar, hindi ito nangangahulugang nangingialam na si Pangulong Duterte sa anumang imbestigasyon o legal proceedings laban sa mga nagkakasalang pulis.

Giit ni Andanar, malinaw din ang pahayag ni Pangulong Duterte na dapat magsampa ng kaso ang National Bureau of Investigation laban kina Supt. Marcos kung may ebidensyang rubout o murder ang ginawa kay Espinosa.

Iginagalang naman aniya ng pangulo ang karapatan ng sinuman na maglabas ng opinyon o pagkontra sa anumang polisiya ng administrasyon.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento