Duterte sa Marcos burial: ‘Wala akong kinampihan’

Hindi natinag si Pangulong Rodrigo Duterte sa isinagawang malawakang protesta laban sa kontrobersyal at tila palihim na paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Sa kaniyang pagharap sa mga alumni ng San Beda College of Law, iginiit niya na bilang dating prosecutor, sinanay siya noon na magpa-iral ng “cold neutrality,” o na walang kinakampihan.

Tulad ng mga nauna niyang pahayag tungkol sa Marcos burial, iginiit muli ng pangulo na ang desisyon niya ay naka-base lamang sa kung ano ang nakasaad sa batas.

Payo ni Duterte sa mga kapwa niya law graduates, hindi dapat hayaang mabahiran ng awa at sentimyento ang kanilang magiging husga at desisyon.

Aniya pa, bilang mga abogado, sila ay sinanay na sumandal lamang sa batas, at ayon dito, maaring ilibing sa LNMB ang dating pangulo at sundalo tulad ni Marcos.

Dagdag pa niya, wala na sa kaniyang mga kamay ang pagde-desisyon kung naging mabuti o masamang pangulo si Marcos.

Kaugnay naman sa mga sinasabing hindi talaga tumanggap ng Medal og Valor si Marcos, hindi na rin aniya niya ito problema dahil hindi pa naman siya ipinapanganak noong panahong iyon at na hindi naman siya sundalo.

Apela ng pangulo, intindihin na lamang sana ang kaniyang posisyon.

Una na ring sinabi ni Pangulong Duterte noon na nakikita niya ang pagpayag sa paghihimlay kay Marcos sa LNMB, bilang pagtatapos sa isyung ilang dekada nang pinagtatalunan.

Ang mga labi ni Marcos ay biglaang inihimlay sa LNMB noong November 18, na umani ng maraming protesta, kabilang na ang Black Friday protest noong nakaraang Biyernes na dinaluhan ng mga anti-Marcos.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento