Sino sinungaling – si Dayan O Kerwin?

Mamaya magtutuos sina ex-driver bodyguard Ronnie Dayan at confessed dr*ug lord Kerwin Espinosa sa Senate hearing. Ayon kay Sen. Leila de Lima, “Hindi ako dadating sa punto na mag-testify sila, especially si Ronnie Dayan, pero mag-attend ako kapag iba na.”

Kung nagkataon, titindi ang telenobela sa “live coverage” mamaya. Unang-una, ano ba talaga ang totoo? 2014 ba o 2015 nagbibigayan ng pera sina Kerwin at Dayan? Paano nagkilala sina Dayan at Kerwin?  Sabi ni Kerwin, si Chief Inspector Jovie Espenido ang tumawag para kay Dayan? Pero sabi ni Espenido, di niya kilala ito. Sabi naman ni Dayan, inutusan lang siya ni De Lima para kumuha ng pera kay Kerwin at di niya rin kilala. Pero noong nasa Baguio, siya nagpakilala kay Kerwin kay De Lima. Alin ba talaga ang totoo?

 Totoo bang February (sabi ni Dayan) o March (sabi ni ex bodyguard Jonell Sanchez) 2015, sinibak ni dating DOJ Sec. De Lima ang lover?  Bakit tumatanggap pa si Dayan ng pera noong 2015 hanggang 2016? Bakit nandoon siya ng February 2016 nang ibigay ni Kerwin ang huling pera sa kampanya ni De Lima?

Bakit itinuturo si Dayan ng maraming testigong “convicted dr*ug lords” sa Bilibid tulad ni Herbert Colanggo at iba pa na tumanggap ng pera para kay De Lima mula noong 2013-2014-2015?

Saan napupunta ang milyun-milyong mga pera na tinanggap nina Dayan, Jonell Sanchez? Kay De Lima ba? O sa ibang grupo na totoong nasa likod ng proteksyon sa dr*ug lords?

Naiintindihan ko kung bakit hindi haharapin ni De Lima si Dayan. Mahirap ang sitwasyon niya kay Kerwin sa Senado kung saan di siya nagtanong kahit isang beses lang. Sa mga abugado, ang hindi pag-imik habang harapan siyang pinagbibintangan ay “tacit admission” o parang pag-amin sa mga akusasyon.  Kung magtatanong siya, sasabihin ng mga kritiko na makapal ang kanyang mukha at ginagamit ang posisyon para sa pansarili.

Sa ngayon, sabi ni De Lima, nagkakabuhul-buhol daw ang “script” nina Dayan at Kerwin, pero ano naman kaya ang script ng Senadora sa harap ng detalyadong mga testimonya?

Bukod sa kasong “dr*ug protector” sa DOJ na sinampa ng VACC, nanganganib siyang matanggal sa Senado sa isang  “ethics complaint” at pati pagiging abugada ay bingit din dahil sa “immorality” complaint sa Korte Suprema.

Maganda sana kung dadalo siya bukas at kokomprontahin sina Dayan at Kerwin para harap-harapang magkaalaman. Pero, ang kanyang pag-iwas, sa aking palagay, ay lalo lamang magdidiin sa kanya at ikadidismaya ng marami mamaya.

Kung susuriin, mag-aanim na buwan na ang Duterte administration sa pagbubulgar sa Bilibid bilang sentro ng dr*ug trade sa bansa. Ang masakit, malabo pa rin ang mga pumapasok na impormasyon. Halimbawa, iyong AMLC, nananadya na yata sa hindi paglabas ng mga bank account ng mga sangkot sa droga. Ano nangyari sa mga PNP generals kasama na iyong mga nagretiro? Hinahabol pa ba sila?

Yung kaso ni P/Supt Marvin Marcos, na pinabalik daw sa Region 8 ni Pres. Duterte gayong nabulgar na nagbabayad ito ng P500K sa isang pulis-Leyte para patayin si Mayor Espinosa. Dakong huli, pinapatay din niya ang pulis.

Mamaya, panoorin at makinig tayo sa mga sinungaling. Hanapin natin ang katotohanan.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento