DAP noong Aquino administration iimbestigahan ng DOJ

Kinumpirma ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na magsasagawa ang Deparment of Justice (DoJ) ng imbestigasyon kaugnay sa umano’y iregularidad sa paggamit ng kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP).

Kasunod ito ng banat ng Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo sa mga media na ilabas din ang isyu ng iligal na paggamit ng DAP noong nakaraang administrasyon.

Ayon sa pangulo, itinuloy pa rin kasi ng Aquino administration ang pagpapatupad ng programa kahit pa idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang ilang bahagi ng DAP.

Maalalang Pebrero noong 2015 nang pinal na nagpasya ang Supreme Court (SC) na unconstitutional ang tatlong bahagi ng DAP.

Partikukar dito ang pondo na nanggaling sa hindi lehitimong savings, pondo na nailipat patungo sa ibang sangay ng pamahalaan at paggamit ng unprogrammed fund na walang sertipikasyon mula sa national treasurer.

Aabot umano sa P72 billion na pondo ng DAP ang may bahid ng iregularidad.

Kabilang sa mga tinukoy ni Pangulong Duterte na nakinabang umano sa DAP ay sina dating Budget Secretary Florencio Abad at Senador Antonio Trillanes IV.

Sen. Ejercito: Hindi ‘magician’ si Pangulong Duterte

Ipinagtanggol ni Senador JV Ejercito si Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng pagbaba ng trust ratings nito batay sa pinakahuling Pulse Asia survey.

Sinabi ni ejercito na hindi naman ‘magician’ si Duterte para masolusyonan ang pangunahing suliranin ng bansa sa loob ng maiksing panahon.

Naniniwala si Ejercito na normal lamang na bumababa ang trust ratings ng mga pangulo habang tumatagal. Dagdag niya, mahirap ding mapanatili ang nauna nang napakataas na rating ni Duterte, lalo na sa gitna ng mga tumutuligsa sa pangulo.

Ipinahayag din ni Ejercito na maganda pa rin ang resulta ng walo sa 10 Pilipino ang nagtitiwala kay Pangulong Duterte.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento