Poe: Parusahan ang magulang na pabaya, hindi ang bata

Inalmahan ni Sen. Grace Poe ang itinutulak na pagpapababa sa edad ng criminal liability kung saan itinuturing niyang biktima ang mga bata.

Sinabi ni Poe na pinagsasamantalahan ng mga sindikato ang murang pag-iisip ng mga bata sa paggawa ng krimen.

Aniya hindi maaaring iparanas ang kaparehong parusa ng mga matatanda sa mga bata lalo na’t itinutulak ang pagbabalik ng death penalty.

“Anong klaseng lipunan ang lilikhain natin kung walang awa nating parurusahan ang isang batang musmos na hindi pa buo ang pagkakaintindi ng sitwasyon at pinagsamantalahan lamang ng matatandang kriminal ang murang isipan?,” pahayag ng senadora.

“Matitiis ba nating makitang patawan ng parehong parusa ang isang siyam na anyos na bata katulad ng ipapataw sa mga nakatatanda? O di kaya bitay o habambuhay na pagkakakulong,” dagdag niya.

Itinutulak sa Kongreso ang pagpapababa criminal liability mula 15 anyos patungong siyam na taong gulang dahil sa umano’y pagiging mas mature ng kaisipan ng mga bata ngayon.

Kinontra ito ni Poe at sinabing dapat ay tutukan ng mga magulang ang kanilang anak ng pag-aalaga, ehemplo at gabay.

“Mas dapat patawan ng parusa ang mga magulang kung napatunayan na sila ay pabaya! Dapat ang isaayos ay ang sistema ng imbestigasyon para matunton ang mga sindikato na nag-uutos sa mga bata,” sabi ni Poe na tumakbo sa pagkapangulo noong eleksyon 2016.

“Sila ang dapat tutukan, hanapin at ipakulong ng batas, silang mga nagsasamantala sa mga bata para gamitin sa krimen,” dagdag niya.

Nito lamang ay binatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na ipinasa ni Sen. Francis Pangilinan na pananagot sa batas ng mga batang 15-anyos na nagresulta umano sa paghuhubog ng mga batang may “criminal mind.”

“You will see them in EDSA. They keep coming back. Now they have grown up, we have produced people who are of criminal minds. And that is why it is hard to stop the drug problem now,” wika ni Duterte.

“He passed that law – that was 15 years ago – we produced about five, six generations of people who committed crimes and were released on the same day, irrespective of the gravity of the offense,” dagdag niya.

Kadalasang ginagamit umano ng mga sindikato ang mga bata bilang tagadala ng ilegal na droga dahil kapag nahuli ay hindi sila pananagutin.

Ang mga mahuhuling lumalabag sa batas an 15-anyos pababa ay hindi pananagutin ngunit isasailalim sa intervention program.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento