Babaeng nakaladkad ng riding in tandem, nagpapagaling pa rin

Nagpapagaling pa ang isang babaeng nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan matapos na makaladkad ng snatchers na riding in tandem sa Maynila.

“Better naman po ako compared nung nakaraang, bugbog ang katawan, pasa, nanginginig, kumikirot,” ayon sa biktimang si Acelina Sarion.

Naglalakad ang 35-anyos na biktima noong Linggo ng umaga sa Pedro Gil, Taft Avenue nang hablutin ang kanyang bitbit na bag ng isa sa dalawang lalaking nakamotor.

Nasapul pa ng CCTV ang pangyayari ang kitang-kitang nakaladkad siya ng ilang metro ng mga snatchers bago tuluyang makabitaw.

“May paglalaanan lang po talaga ako nung perang nakuha sa akin nung riding in tandem po. Ayun lang naman po talaga ang reason ko kung bakit di ako bumitaw,” paliwanag niya.

Dagdag pa ni Sarion, hindi na niya namalayan na malayo na ang pagkakakaladkad sa kanya bago siya nakabitaw.

Laking pasalamat pa rin niya na buhay siya.

“Thankful po ang nanay ko na hindi ako nawalan ng malay. Siguro ayaw din niya yung ikukwento na lang sa kanya, itatawag sa kanya na wala na ako,” sabi pa niya.

Nangako naman ang barangay chairman ng Barangay 696 Zone 76 District 5 ng Malate na paiigtingin ang seguridad sa lugar upang hindi na muling masundan pa ang insidente.

“Nung nalaman ko nagpatawag kaagad ako ng meeting ng dalawang PCP. Kailangang mag assign na kami ng steady na security,” sabi ni Barangay Chairman Erlinda Divinagracia.

Banggit pa ni Divinagracia, may tanod na nakatalaga sa lugar pero hanggang alas-3 lamang ng madaling araw. Naganap ang insidente pasada alas-6 na ng umaga.

Ayon naman kay Superintendent Emery Abating, patuloy silang nagpa-follow up sa kaso para sa posibleng pagaresto sa suspek.

“According sa aming impormante, may matutunton na kaming lead kung saan makikita itong motor na pula na ito,” aniya.

Para kay Sarion, nagsilbing masakit na aral sa kanya ang insidente.

Payo din niya sa lahat na “Maging aware sa paligid at hangga’t maari, gumamit ng sidewalk para mas safe po ang sarili laban sa ganung klaseng walang puso na kahit po buhay walang kwenta sa kanila para lang makapanlaman po sa kapwa.”


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento