CHR, iimbestigahan ang pagpapahubad sa mga Cebu inmates

Naglunsad na ang Commission on Human Rights (CHR) ng imbestigasyon matapos paghubarin ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga inmates ng Cebu Provincial Detention and Rehabilitiation Center (CPDRC) sa kasagsagan ng isang raid.

Pamumunuan ni CHR Visayas head Leo Villarino ang nasabing imbestigasyon, base sa direktiba ng commission en banc na alamin kung nalabag ba ang karapatan ng mga detenido sa naturang pasilidad nang mangyari ang raid.

Ayon kay Villarino, aalamin nila kung talaga bang kinakailangang paghubarin noong mga panahong iyon ang mga inmates, at ang iba pang detalye ng pangyayari.

Base sa United Nations’ Standards for Treatment of Prisoners, sinabi ni Villarino na pinapayagan naman ang pagpapahubad ng damit ng preso para sa seguridad tuwing nagsasagawa ng mga raid.

Gayunman, nilinaw ni Villarino na oras na paghubarin ang mga preso, ipinagbabawal na ang labis pang pagkapkap sa mga ito tulad ng paghawak sa mga “cavities or crevices” ng katawan.

Kinwestyon rin ng CHR ang paglalabas ng media ng mga larawan ng mga nakahubad na inmates habang nakasalampak sa sahig.

Pinuna kasi ito ng Amnesty International, at inilarawan bilang “cruel, inhuman and degrading treatment of prisoners.”

Nanawagan ang Amnesty sa mga otoridad na tiyaking protektado mula sa marahas na pag-trato at torture ang mga naka-piit.

Samantala, welcome naman kay PDEA-7 director Yogi Filemon Ruiz ang imbestigasyong ito ng CHR, at nilinaw na kinailangan nila itong gawin para sa mapayapa at maayos na paghahalughog.

Sa palagay ni Ruiz, wala naman silang nalabag na karapatan ng mga detenido.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento