Kinumpirma ni Philippine National Police Chief Director General Ronald Dela Rosa na ipinapa-aresto na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Macau-based gambling tycoon na si Jack Lam.
Sinabi ni Dela Rosa na nahaharap sa mga reklamong bribery at economic sabotage si Lam kaugnay sa 1,316 na mga Chinese nationals na nahuling nagtatrabaho sa pinatatakbong Casino ni Lam sa loob ng Fontana Leisure Parks sa lalawigan ng Pampanga.
Noong n akalipas na linggo ay inaresto ang nasabing mga Chinese nationals ng mga tauhan ng Bureau of Immigration.
Sinabi ni Dela Rosa na galit na galit ang pangulo ng malaman niya ang tangkang panunuhol ni Lam.
Sa pamamagitan ng isang dating police official at interpreter ay nakipagkita umano si Lam kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre sa isang hotel sa Taguig City kung saan naganap ang umano’y tangkang panunuhol sa kalihim.
Nauna nang sinabi ni Aguirre na naghahanap ng padrino si Lam para sa kanyang illegal gambling empire sa bansa.
Aminado rin si Aguirre na ipinag-utos na niya ang imbestigasyon laban sa ilang tauhan ng Bureau of Immigration na pinaniwalang kasama sa payola ng ilang mga illegal aliens sa bansa.
0 Mga Komento